Name:
Location: United Arab Emirates

Saturday, September 24, 2005

MGA NGITI NG KAHAPON




Kay sarap sariwain, kahapong nagdaan
Mga ngiting namutawi’y kayhirap malimutan
Sa busilak na puso, puspos ng kaligayahan
Tila isang bulaklak na ang bango’y di maparam

Tulad din ng mga puno, damo at halaman
Na luntiang mga kulay ay kay inam pagmasdan
Ang galak sa puso ay gayon na lamang
Sa tuwing maalala mga kahapong kinagisnan

Simula pagkabata, nang bubot pa lamang
Tayo’y sinaliw na ng iba’t-ibang karanasan
Na kung ating iisipin ay parang kailan lamang
Tayo ngayo’y narito na at nabago nang tuluyan

Tila tayo’y hinihele sa lambing ng mga awitan
Sa t’wing maalala mga kahapong nagdaan
Kaygaan sa katawan pati na sa isipan
Sa diwa’y nakaukit, nar’yan hanggang katapusan

Sa pagitan ng poot at hirap ng kalooban
Ay walang ‘di dumanas lumuha at masuklam
Ngunit sa himig ng musika’t awitan
Ang luha’y naglalaho, poot napaparam

Sa tinig ng ilang mga kaibigan
At sa lutong ng kanilang mga halakhakan
Ngiti’y sumisilay, ano’t ‘di mapigilan
Mundo’y anong saya, tila ayaw nang bitiwan

Ngunit ang lahat nga’y sadyang may hangganan
Ngiti ri’y mapapawi, saya’y napaparam
May oras na tayo’y nagkakabukluran
Tinig ng isa’t-isa’y kinasasabikan

Kung maibabalik nga lang ang kamay ng orasan
Ang mga balakin ko’y lalo pang gagandahan
Nang ang tuwa’t ligaya’y sumibol pang tuluyan
At pagdating ng panahon, walang hanggang kaligayahan

O, kay tamis gunitain, mga kahapong nagdaan
Kay sarap pakilusin dito sa ating isipan
Sa isip at diwa’y tila isang kayamanan
O, salamat sa Maykapal at may kahapong nakamtan.

March, 1988

0 Comments:

Post a Comment

<< Home