Name:
Location: United Arab Emirates

Wednesday, November 18, 1992

BALIW


Sa loob ng kamisetang
dusta’t sira-sira
Sa ingay ng mga bangaw
na nagtutumpukan
Sa pira-pirasong
telang buhul-buhol
Sa ibabaw ng mga diyaryong
luma’t putul-putol
… ay isang baliw!

Sa ungol ng isang
malakas na iyak
Sa tunog ng isang
mababaw na halakhak
Sa tinig ng isang
awitin na payak
Sa isang matunog
at masigabog palakpak
… ay isang baliw!

Ano kaya’ng nasa
likod ng kanyang pagkatao?
Ano ba ang nakatago
sa kanyang anino?
Ano ba’ng bumubulong
sa tengang maalindog?
Ano ba’ng naglalaro
sa mata niyang mapusok?
…isa siyang baliw!

Lumuluha siya
nang nag-iisa
Minsa’y tumatawa’t
walang kasing-saya
Nagsasalita nang
walang kausap
Sumasayaw-sayaw
sa awitin niyang basag
…Ah! Isa siyang baliw!

Minsay nagtataka’t
aking tinatanong
ang isang baliw
na bubulung-bulong
“Pwede kang makausap?”
ang aking tugon
at siya’y ngumiting
tila umaayon

“Anong pangalan mo?”
aking umpisa
At ako’y nagulat
sa sinabi niya
“Maganda ako,” ang
kanyang usal
“Mabait, maamo,
at pala-dasal”

“Malinis ako’t
walang kasalanan
Sa mata mong ‘ya’y
h’wag huhusgahan
Ang mundong ito
ang siyang marumi
gawa ng mga taong
walang isip-mabuti”

“Masdan mo ang paligid
at iyong manmanan
hitsura ng tao,
palabas sa sinehan
Tingnan ang sakuna,
masdan ang patayan
Sindumi ng putik at
mabahong lansangan”

“Sekta’t relihiyon
naglalabu-labo
Sundalong taga-usig
ay kriminal na pinuno
Ano na’ng mangyayari
sa ating mundo?
Kayo’ng mga “baliw”
ang nagpapabaho!”
…Ah ito nga ba’y baliw?

Sukat ang baliw
ay biglang nawala
Muli sa isang tabi
tumatawa’t lumuluha
‘Baliw’ na katagang
sa isip ko’y naiwan
‘marka’ ng isang tao
na baliw pagmasdan
…ano nga ba ang baliw?

Lumayo ako
na nag-iisip
‘Baliw’ na kataga
sa diwa’y umuukit
Baliw na mapayapa –
sira ang pag-iisip?
Tao na matino –
baliw kung mag-isip?
…Ah, ano nga ba ang baliw?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home