Name:
Location: United Arab Emirates

Wednesday, May 19, 1993

PAKIUGOY NG DUYAN


Marahil ay wala nang sasarap pa
… sa ugoy ng duyan
Sama ng loob at kalungkutang dala
tiyak ay malilimutan
Sa ugoy ng duyan na sadyang kayganda…
nakapanlilibang!
Walang kasing-lambing, walang kasingsaya…
Sino ka man… pakiugoy ng duyan!

Ingay ng sanggol at luhaang mata
ay mapapatahan
Sa ugoy ng duyan ay hahaplusin siya

ng kapayapaan
Gaano man ang tampo, ang ngitngit o suya
ay katitigilan
Ng galit at ingay, ng pagod at dusa

sa ugoy ng duyan.
Sino ka man… pakiugoy ng duyan!

Wala na nga yatang gaganda pa
sa ugoy ng duyan
‘Pag ako’y balisa at tila saklob
ng sansinukuban
‘Pag ako ay mali at umaasa
ng kapatawaran
Kung sino ka man, maari ba?
… pakiugoy ng duyan!


Kung ako ay sakim at mapagsamantala
sa kasaganahan
Kung nakakalimot at mapag-alipusta
nang walang pakundangan
Kung nagiging “mataas” o nakakasira
sa mga kaibigan
Kung sino ka man, pakiusap pa
… pakiugoy ng duyan!

Kung ako ay dumi at nakakaantala
sa tanang kalinisan
Kung ako ay galit at nangangailangan
ng katahimikan
Kung ako ay said sa mga pangarap
na kinasasabikan
Sino kaya ang mabuting tao na
makakapag-ugoy sa sarili kong duyan?

Sino ka man…
PAKIUGOY NG DUYAN!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home