PARIHABANG MUNDO
Kung bilog ang mundo, ako’y matutuwa
Ngunit aking natanto ito pala’y parihaba
Kung gaano ang diwa ay napakatalinhaga
‘Di batid kung sa dulo ay may hintay na tuwa
Paruo’t parito ligaw na pangarap
Sa parihabang mundo ‘di mo kayang isukat
Ang pagod at hirap na pasan sa balikat
Pagbuwal at daing sa likod ng pagsisikap
Parihabang mundo, ‘di ko sukat maisip
Ang paglipas ng panahaon ‘di na kayang maulit
Sa magulong daang hapit na hapit
Sa puntod ng pangarap ay kasamang mawawaglit
Mundong parihab, kay hirap tahakin
Kasiyahang nagdaan ‘di na pwedeng pabalikin
Titigan mo man, lingunin at batakin
Ang tanging mahihinta’y alaala’t gunitain
Sa parihabang mundo ay pwedeng lumingon
Mga bakas ng nagdaang saklob na ng dapit-hapon
Ngunit sa daang unahang mayabong
Ay saklob ng usok at puno ng tanong
Tumakbo ka man sa pagmamadali
O marahang lumakad – sa takot at mali
Gustuhin mo mang tumuloy o hindi
Maabot ang dulo ay nakalaang mangyari
Pumikit, ngumiting may luha sa mata
Magsaya, umindak o magbuntong-hininga
Pagsapit sa dulo ng mundong putol pala
Ay puntod ng pangarap at pamamahinga