My Filipino Manuscripts

Name:
Location: United Arab Emirates

Tuesday, January 03, 2006

Ulan ng Pagbabadya

Written by Allan Osmil, September, 1984

SIYA’Y NAKATITIG SA MAITIM NA ULAP
NA TILA NAGBABADYA NG MALAKAS NA PATAK
AT SA HIMPAPAWID NAGLILIPARANG UWAK
NA TILA NATUTUWA SA DARATING NA PATAK

 HINDI NAGLAON, ULAN AY BUMAGSAK
AT DOON LUMAGPAK SA MATIGAS NA LUAD
NGUNIT UNTI-UNTI, LUAD AY LUMAMBOT
SANHI NG ULAN NA UBOD NANG LUNGKOT

NANG ULAN AY HUMINTO, ISANG BATA ANG UMIYAK
SA MALAKAS NA PALO NG AMANG WALANG HABAG
IGINAPOS ANG KAMAY SAKA IBINAGSAK
ULI ANG SINTURON NA UBOD NANG LAKAS

NANG MATAPOS PALUIN, BATA AY NAHABAG
SA KANYANG SARILI SA LAKAS NG LAGAPAK
TINITIGAN ANG GAPOS SAKA IKINALAS
TUMAYONG PABIGLA AT TUMAKBONG PALABAS

AT SIYA’Y NAGULAT, ISANG SIKAT ANG LUMABAS
PINALITAN NG LIWANAG ANG MALAKAS NA PATAK
BATA’Y TUMINGALA, TUMINGIN SA ITAAS
NAKAKASILAW, NAKAKABULAG ANG KANYANG NAKITA

AT SIYA’Y YUMUKO, PUMATAK ANG LUHA
AT TUMINGIN SA LUGAR NA PINANGGALINGAN NIYA
NA TILA BA NAMAMAALAM SA KANYANG AMA
AT SAKA TUMAKBO’T ‘DI ALAM SAAN PUPUNTA

ANG KAAWA-AWANG BATA’Y BIGLANG NAWALA
AT DOON AY NAKITANG NAKABULAGTA
NABUNDOL NG SASAKYAN NA UBOD NANG BILIS
AT HINDI ALAM NG AMA ANG NANGYARI SA KANYA

HNDI PA NASIYAHAN SA KANYANG GINAWA
AT SAKA TUMAYO’T HINANAP ANG ANAK
AT DOON AY NAKITA, BATANG NAKAHIGA
AMA’Y UMIYAK, NAGSISI SA GINAWA

AT SIYA’S YUMUKO NA KALONG ANG ANAK
AT KATAKA-TAKANG ULAN AY BUMAGSAK
NA PARA BANG NAKIKIRAMAY SA PAGPANAW NG BATA

AT DOON NIYA NAMULAT ANAK AY KAILANGAN
SA BUONG BUHAY MAGPAKAILAN PA MAN...

Saturday, September 24, 2005

MGA NGITI NG KAHAPON




Kay sarap sariwain, kahapong nagdaan
Mga ngiting namutawi’y kayhirap malimutan
Sa busilak na puso, puspos ng kaligayahan
Tila isang bulaklak na ang bango’y di maparam

Tulad din ng mga puno, damo at halaman
Na luntiang mga kulay ay kay inam pagmasdan
Ang galak sa puso ay gayon na lamang
Sa tuwing maalala mga kahapong kinagisnan

Simula pagkabata, nang bubot pa lamang
Tayo’y sinaliw na ng iba’t-ibang karanasan
Na kung ating iisipin ay parang kailan lamang
Tayo ngayo’y narito na at nabago nang tuluyan

Tila tayo’y hinihele sa lambing ng mga awitan
Sa t’wing maalala mga kahapong nagdaan
Kaygaan sa katawan pati na sa isipan
Sa diwa’y nakaukit, nar’yan hanggang katapusan

Sa pagitan ng poot at hirap ng kalooban
Ay walang ‘di dumanas lumuha at masuklam
Ngunit sa himig ng musika’t awitan
Ang luha’y naglalaho, poot napaparam

Sa tinig ng ilang mga kaibigan
At sa lutong ng kanilang mga halakhakan
Ngiti’y sumisilay, ano’t ‘di mapigilan
Mundo’y anong saya, tila ayaw nang bitiwan

Ngunit ang lahat nga’y sadyang may hangganan
Ngiti ri’y mapapawi, saya’y napaparam
May oras na tayo’y nagkakabukluran
Tinig ng isa’t-isa’y kinasasabikan

Kung maibabalik nga lang ang kamay ng orasan
Ang mga balakin ko’y lalo pang gagandahan
Nang ang tuwa’t ligaya’y sumibol pang tuluyan
At pagdating ng panahon, walang hanggang kaligayahan

O, kay tamis gunitain, mga kahapong nagdaan
Kay sarap pakilusin dito sa ating isipan
Sa isip at diwa’y tila isang kayamanan
O, salamat sa Maykapal at may kahapong nakamtan.

March, 1988

Tuesday, July 02, 1996

SILA


SILA NA NAG-UGOY NG AKING DUYAN
SILA NA NAGHUBOG NG AKING ISIPAN
SILA NA SA TUWINA AY AKING SANDALAN
NAG-ALAY NG PAGOD AT KALIGAYAHAN

NAGSILBING GABAY SA AKING PAGLAGO
PAYASO SA ORAS NG PANINIBUGHO
‘PAG AKO’Y NADAPA, ITINATAYO
SA DAANG BALUKTOT AY INILALAYO

TAGURING HALIGI AT ILAW NG TAHANAN
SILA NA HARDINERO AT AKO ANG HALAMAN
NAGDILIG NG SAYA SA AKING ISIPAN
TUGON SA LAHAT NG PANGANGAILANGAN

SILA NA BANTAY SA AKING PAGTUBO
NAG-ALIS NG DAHON NG LUNGKOT AT SIPHAYO
SA PAGMAMAHAL, WALANG ITINAGO
MAPAGPALANG MGA KAMAY, IPINAPANGAKO

SINO ANG HINDI MAGMAMAHAL
SA MAGULANG NA TUGON SA BAWAT DASAL ?
NAG-ALAY NG BUHAY --- SA ANAK AY DANGAL
SA DAKILANG PUSO’Y HINDI MAKIKINTAL

DAPAT NA IBIGIN AT PASALAMATAN
ANG PAGHIHIRAP NILA’Y ‘DI MATUTUMBASAN
HIGIT PA SA GINTO’T ANO MANG KAYAMANAN
MAHALIN AT IGALANG ANG ATING MAGULANG

Sunday, April 14, 1996

SANIB


NAKITA KITANG PUMUPUNGAS...
MAY NGITI SA LABI, GULO ANG BUHOK
AT NAGLALAGALAG.
TILA ANINONG SA SIKAT NG ARAW
AY PUMAPALAKPAK.
TUYO ANG LUHA, SALUBONG ANG KILAY
AT IBIG UMIYAK.

HANAP MO AY ISANG SANDALAN...
SA INIT NG ARAW AY PINAPANGARAP
PUMATAK ANG ULAN.
‘PAG BUMABAGYO, SA SIKAT NG ARAW
AY UMAASAM.
DAIG PA ANG ASO NA PAIKUT-IKOT
AT MASAKIT ANG TIYAN.

NAKITA KITANG PUMUPUNGAS...
MAY NGITI SA LABI,
KUNOT ANG NOO AT UMIINDAK.
ISANG BASONG TUBIG
ANG WINIWISIK AT WINAWASIWAS.
AT PATAY NA IBON ANG KINIKISKIS
SA DULO NG MANGGAS.

TAWA KA NANG TAWA...
GAYONG BATID MO NA WALA
KANG SIGLA AT HINDI MASAYA.
SANTAMBAK NA TANONG
ANG LAMAN NG UTAK AT NAGTATAKA.
KAILAN TATAKAS SA MUNDO NA
DAPAT AY HINDI PALA?

KAILAN MO MAKIKITA
ANG TAMANG DAAN?
KAILAN HIHINTO SA PAGTATANONG
AT AGAM-AGAM?
AT MANINIWALANG ANG MABAHO’Y
HINDI SA PUSALI LANG?
ANG SIKAT NG ARAW AT PATAK NG ULAN
AY PAHAHALAGAHAN?

PARA KANG ALIKABOK...
SA IBABAW NG PLATONG
KASAMA NG PALAY --- IHINAIN SA MANOK.
PARA KANG TAONG AYAW MAGSALITA
AT TUMITILAOK.
PARA KANG TULA NA PUTUL-PUTOL
AT WALANG TALUDTOD.

NAKITA KITANG PUMUPUNGAS...
MAY NGITI SA LABI, GULO ANG BUHOK
AT NAGLALAGALAG.
TAWA NANG TAWA GAYONG MGA MATA
AY PARANG TABAK.
NAGSISISILID NG GINTO SA BULSA
GAYONG ITO AY WARAK.

NAKITA KITANG PUMUPUNGAS...

Wednesday, May 19, 1993

PAKIUGOY NG DUYAN


Marahil ay wala nang sasarap pa
… sa ugoy ng duyan
Sama ng loob at kalungkutang dala
tiyak ay malilimutan
Sa ugoy ng duyan na sadyang kayganda…
nakapanlilibang!
Walang kasing-lambing, walang kasingsaya…
Sino ka man… pakiugoy ng duyan!

Ingay ng sanggol at luhaang mata
ay mapapatahan
Sa ugoy ng duyan ay hahaplusin siya

ng kapayapaan
Gaano man ang tampo, ang ngitngit o suya
ay katitigilan
Ng galit at ingay, ng pagod at dusa

sa ugoy ng duyan.
Sino ka man… pakiugoy ng duyan!

Wala na nga yatang gaganda pa
sa ugoy ng duyan
‘Pag ako’y balisa at tila saklob
ng sansinukuban
‘Pag ako ay mali at umaasa
ng kapatawaran
Kung sino ka man, maari ba?
… pakiugoy ng duyan!


Kung ako ay sakim at mapagsamantala
sa kasaganahan
Kung nakakalimot at mapag-alipusta
nang walang pakundangan
Kung nagiging “mataas” o nakakasira
sa mga kaibigan
Kung sino ka man, pakiusap pa
… pakiugoy ng duyan!

Kung ako ay dumi at nakakaantala
sa tanang kalinisan
Kung ako ay galit at nangangailangan
ng katahimikan
Kung ako ay said sa mga pangarap
na kinasasabikan
Sino kaya ang mabuting tao na
makakapag-ugoy sa sarili kong duyan?

Sino ka man…
PAKIUGOY NG DUYAN!

Wednesday, November 18, 1992

BALIW


Sa loob ng kamisetang
dusta’t sira-sira
Sa ingay ng mga bangaw
na nagtutumpukan
Sa pira-pirasong
telang buhul-buhol
Sa ibabaw ng mga diyaryong
luma’t putul-putol
… ay isang baliw!

Sa ungol ng isang
malakas na iyak
Sa tunog ng isang
mababaw na halakhak
Sa tinig ng isang
awitin na payak
Sa isang matunog
at masigabog palakpak
… ay isang baliw!

Ano kaya’ng nasa
likod ng kanyang pagkatao?
Ano ba ang nakatago
sa kanyang anino?
Ano ba’ng bumubulong
sa tengang maalindog?
Ano ba’ng naglalaro
sa mata niyang mapusok?
…isa siyang baliw!

Lumuluha siya
nang nag-iisa
Minsa’y tumatawa’t
walang kasing-saya
Nagsasalita nang
walang kausap
Sumasayaw-sayaw
sa awitin niyang basag
…Ah! Isa siyang baliw!

Minsay nagtataka’t
aking tinatanong
ang isang baliw
na bubulung-bulong
“Pwede kang makausap?”
ang aking tugon
at siya’y ngumiting
tila umaayon

“Anong pangalan mo?”
aking umpisa
At ako’y nagulat
sa sinabi niya
“Maganda ako,” ang
kanyang usal
“Mabait, maamo,
at pala-dasal”

“Malinis ako’t
walang kasalanan
Sa mata mong ‘ya’y
h’wag huhusgahan
Ang mundong ito
ang siyang marumi
gawa ng mga taong
walang isip-mabuti”

“Masdan mo ang paligid
at iyong manmanan
hitsura ng tao,
palabas sa sinehan
Tingnan ang sakuna,
masdan ang patayan
Sindumi ng putik at
mabahong lansangan”

“Sekta’t relihiyon
naglalabu-labo
Sundalong taga-usig
ay kriminal na pinuno
Ano na’ng mangyayari
sa ating mundo?
Kayo’ng mga “baliw”
ang nagpapabaho!”
…Ah ito nga ba’y baliw?

Sukat ang baliw
ay biglang nawala
Muli sa isang tabi
tumatawa’t lumuluha
‘Baliw’ na katagang
sa isip ko’y naiwan
‘marka’ ng isang tao
na baliw pagmasdan
…ano nga ba ang baliw?

Lumayo ako
na nag-iisip
‘Baliw’ na kataga
sa diwa’y umuukit
Baliw na mapayapa –
sira ang pag-iisip?
Tao na matino –
baliw kung mag-isip?
…Ah, ano nga ba ang baliw?

Friday, October 23, 1992

MAKITULOG SA PUTING BASAHAN

NATATANDAAN MO PA BA..?
NAAALALA MO PA BA NOONG IKA’Y ISILANG?
KUNG PAANO IKAW AY NAKIPAGLABAN UPANG
MAIMULAT ANG ‘YONG MGA MATA SA
KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON?
AH! SIGURO HINDI NA.

BAKIT GANO’N?
BAKIT TILA WALA MAN LAMANG ISA SA ATIN
ANG NAKAKAALAM NG TUNAY NA KAHULUGAN NG BUHAY?
BAKIT TILA ANG NAKAKAAPEKTO LAMANG SA ATIN
SA NGAYON AY KUNG ANO ANG NASA PALIGID?
ITO NGA BA? ANG MUNDONG GINAGALAWAN NATIN
NA SIYANG NAGHUHUDYAT PARA SA MGA SUSUNOD NA HAKBANG?
NASAAN ANG MGA EHEMPLO NA MAKAPAGPAPABALIK
NG ATING GUNITA?
--MAKAPAGPAPAALALA KUNG SINO AT ANO NGA BA
TALAGA TAYO SA LUPANG PATAG?

HINDI KA BA NAGTATAKA? NAIINIP? NABABALISA?
…SAAN? ALAM MO ‘YON…
MARAHIL AY SARADO LAMANG ANG IYONG ISIPAN
SA TUNAY NA DAPAT TAGLAYIN NG IYONG DIWA.
MASYADO KA LAMANG NAAAPEKTUHAN NG MATERYAL
NA MUNDO, KAYA TULOY NALILIMUTAN MO NA KUNG
PAANO MAGBUKAS O MAGPINID NG PINTO…
NAIINTINDIHAN MO BA?
SA PALAGAY KO, HINDI. HINDI, DAHIL HINDI MAITATATWA
NG IYONG MUKHA —NG IYONG MGA PAGTAWA.

YAN… YAN ANG IBIG KONG SABIHIN…
MARUNONG TAYONG GUMUHIT NG PARIHABA NGUNIT
MINSAN, HINDI NATIN NAPAPANSIN (O PINAPANSIN)
ANG KAIBAHAN NG BAWAT SULOK.
TAPOS NGAYON, ITINATANONG MO, KUNG ANO NGA
BA ANG KAHULUGAN NG BUHAY.
TULOY, MAY MGA PAGKAKATAONG NAPIPINID TAYO SA
LIKOD NG ISANG PINTO AT ‘DI NA NATIN KAYANG
LUMABAS – LIMITADO.
DOON, DOON MO NAIHUHUBOG KUNG ANO “IKAW” –
ANG NAGIGING IKAW.
UPANG PAGKATAPOS AY MAGING SARADO NA ANG IYONG
ISIPAN SA IBA PANG ASPETO AT KULAY NG BUHAY.
SAYANG… PAANO NGA BA TAYO MAGKAKAINITINDIHAN?
ANG GULO!!!

NAAALALA KO TULOY, ANG DAMDAMIN (O PAGMAMAHAL)
NA MINSAN, KAHIT SINTAAS PA NG ULAP, ‘PAG DINAANAN
NG PANAHON… UNTI-UNTING NABABAWASAN
(O NAGLALAHO) KAHIT NA WALANG DAHILAN.
BAKIT NGA BA? SIGURO DAHIL…

KALAWANG SA UGAT…
HANGIN SA UTAK…
KARAYOM SA TALUKAP NG MATA…
PAKO SA BUMBUNAN…
…MGA PAYAK NA PALATANDAANG HINDI PA NATIN
NAAALALA ANG PANAHONG PINUTULAN TAYO NG PUSOD.
TAYO’Y NARITO PA… SA KONGKRETONG PANAGINIP…
SA PUTING BASAHAN AY NATUTULOG PA AT NAKAPIKIT…
KAILAN?…
KAILAN NATIN MAUUNAWAAN?…

…SA PUTING BASAHAN.